(Behind the Mask)
May galit ang ulan na pumapatak mula sa kalangitan.. animoy matutulis na butil na tumatasak sa aking balat.
Kasabay ang hampas ng hanging nagtutulak upang liparin ang puot at pasakit ng buhay na taglay...
Dagling pinilit ikubli ang kalungkutan, at patagong itinanggi sa sarili ang katotohanan.Nais itago ng panghabang panahon ang bawat sugat na natamo sa nakaraang kay lupit.
Alam na mali ang gagawin, subalit mas ninais nalang na gumawa ng sariling mundo sa isipan.
Gumawa ng sariling kwento sa nakaraang hindi matnggap, dahil sa pahirap at pasakit sa murang isipan.
Sa pagharap muli sa tunay na mundo... sa katotohanan ng buhay... dala-dala lamang ang pawang maliligayang sandali mula sa mapait na kahapon na pinipilit ikubli....
Subalit talagang malupit ang tadhana, sa mga taong nagkukubli sa maskarang handong ng malikhaing isipan.
Panahon na ang nagdisisyong mahubaran ang katawang punong puno ng bakas ng sugat na hatid ng minsang malakas na pag ulan.Nagtaka ang nakapansin, kitang kita ng mapanuring mata ang bawat bakas ng sugat ng kahapon...
May lumapit at nagtanong, ngunit hindi para tulungang makalimutan ang hapdi at kirot, subalit para dagdagan at muling sariwain ang pait at sakit ng nakaraang pinipilit iwasan.
Naitanong sa sarili: "Talaga bang ang buhay ay nakalaan upang sugatan at yurakan ang bawat nilalang?"
Sa takot na muling masaktan, nagdisesyon na itago ang nakaraan sa likod ng maskara at pawang masayang sandali ang binalikan.
Ngunit sa pagkakataong ito, sinugarado ang isang bagay, pagbubutihan ang pag arte sa palabas na pinag hahandaan.
Isang batikang aktor, sarili ang tinukoy, subalit walang direktor, napangisi at buntong hininga, "Sino pa ba?"
Hindi na nag alinlangang hubarin ang saplot at ipakita ang bakas ng bawat sugat at latay ng nakaraan. Subalit sa bawat bakas na nakikita ng mga mapanuring mata, pawang paghanga na lang ang narinig sa labi ng mapaghusgang kapaligiran. Naitago na ang katotohanan. Dahil sa maskarang tangan.
Kapag lumisan na ang tagahanga at akalang kaibigan, luha ang papatak sa pisngi ng maskarang nagkukubli sa katotohanan. Luha na magkahalong kagalakan at kalungkutan.
Napakagandang isipin na napapahanga at napapapaniwala ang lahat ng tao sa kanyang paligid sa kung ano man ang naisin.
Hindi nila alam na pawang kasinungalingan ang lumalabas sa labi ng mukhang nagtatago sa maskara ng kasinungalingan.
Subalit lahat ng bagay ay may katapusa't hangganan. At ang matagal na pagkukubli sa likod ng maskara ay kinailangan ng lumantad, sapagkat ito na ang pagsapit ng dapit hapon ng buahay.
Sa pagharap sa lahat... isa lang ang hinihingi, kapatawaran at pagtanggap, totoong mahirap itong makamtan, ngunit handang maghintay ang kalooban.
Sa pagdaka'y nalaman na ang pagpili ng maskarang inakalang magtatago ng pait at kahihiyan, ay siyang magsasadlak sa dapit hapon ng buhay na taglay.
Marahil lilisan man, ngunit may isang iiwanan, hubad na ang katawan, wala ng mapanlinlang na maskara. Walang pagkukubli at pag aalinlangan ang pag-iwan ng pusong taglay na may pagpapakumbaba, katapatan at pagmamahal sa mga taong minahal ng Aktor, Direktor at Tagapagsalaysay kasama ng Tagapagsulat na matagal na nagkubli sa likod ng mapanlinlang na Maskara ng Buhay.
*sandiyaninanay